Showing posts with label tagalog. Show all posts
Showing posts with label tagalog. Show all posts

Sunday, July 29, 2007

Ang Cashier sa Topshop at si Papa Dennis

Isusulat ko ang pangyayaring ito sa sarili nating wika dahil kay Dennis Trillo. Ang gwapo niya at napakakinis pa! Sayang nga lang, kapuso siya, kaya hindi ko mashado siya nakikita sa telebisyon.... Pero hindi naman tungkol dito ang kwento ko, pero tungkol ito sa nangyari sa akin sa Topshop sa harap ni Papa Dennis. :)

May nakita akong magandang t-shirt sa Topsh0p at binili ko ito (sabi rin kasi ni itoy sa akin kyut daw ako pag suot ko yun, kilig naman ang lola niyo hehe). Akala ko swerte na ako dahil nakabili ako ng magandang t-shirt, pero mas sinuwerte pa pala ako nang magkasunod kami sa linya ni Papa Dennis. Binayaran ko ang binili ko gamit ang aking ATM. Ok naman ang lahat, pero nang i-swayp (swipe mga tsong) ng cashier ang aking kard, ito ay hindi tinanggap at ini-reject. Hindi tinanggap ang aking kard dahil patay ata ang sistema ng BPI. Wala naman talagang problema ang mga ganitong pangyayari, dahil alam kong nangyayari naman talaga ito. Ang hindi ko matanggap ay ang mga nabitawang salita ng cashier sa akin sa harap ni Dennis Trillo: "Ahh, sigurado ka bang may pera ang ATM mo? Baka naman wala." Nang marinig ko ang mga salitang ito, gusto kong batukan ang cashier. Hindi nakakatawa ang sinabi niya. Hindi naman ako tanga para gamitin ang ATM ko kung walang laman, di ba? Napaka ?!?!?%^&*&$%$^^(.... At nangyari ang lahat ng ito sa harap ni Dennis Trillo. Nakakahiya. Pasalamat at nandiyan si Itoy para pahiramin ako ng pera pansamantala.....

Pero hindi dito nagtatapos ang kwento ko. Nang kumuha ako ng pera sa ATM kaninang hapon, nagtaka ako kung bakit kumonti ang aking pera. Yun pala, pumasok ang transaksyon sa Topshop sa aking ATM kahapon. At dahil dito, kinailangan kong pumunta sa Topshop para i-report ito, kaya pinuntahan ko nalang ang Topshop sa mall na ito (ibang branch kasi ung napagbilihan ko) at kinuwento ang nangyari sa akin (pati ang lintik na cashier na yan). Buti na lang mabait ang manager sa Topshop branch na ito, binigyan pa ako ng libreng imbitasyon para sa sale nila ngayong Biyernes (eh wala na akong pambili dahil sa pagkakamali nila! haha!) at naaksyunan agad ang nangyari sa akin.

Haaayyy... Sana hindi ito mangyari sa inyo. Nakakaloka! haha =)

Monday, May 21, 2007

Pamamalengke!

Noon ko pang pangarap magsulat ng isang "entry" na hanga sa sarili nating wika. At ngayon, sa sitwasyong walang ibang magawa kung hindi magsulat ng kung anu-ano sa blog na ito, naisipan kong magkwento tungkol sa aking karanasan nitong nakaraang mga buwan.

Dalawang buwan na ang nagdaan mula nang ang aking ina ay umuwi sa aming munting tahanan sa Cebu. Samantalang nagpapakasaya ang aking inang giliw, ako naman ay umupo bilang munting nanay sa bahay. Sa maikling pananalita, ako ang nagsilbing "taga" ng tahanan: taga grocery, taga bayad ng kuryente, tubig, at kung anu-ano pa (pasensya, hindi ako marunong magluto, si Manang nalang ang bahala diyan. HEHE.)

Kaya't nitong nakaraang mga linggo ay naranasan kong pumunta ng supermarket kasama ang aking tatay, kung hindi man ang mga kaibigan ko o ang aking kasintahan. Nakakatuwang alalahanin ang iba-iba kong karanasan sa pamamalengke pag kasama ang kaibigan, kasintahan, o magulang.

Ilan lamang ang mga ito sa mga pagkakaiba na aking napansin:

1. Sa Pagpili ng Gulay, Karne, at Isda:
- Pag kasama si daddy, napakatagal namin sa seksyong ito. Mapili ang aking ama sa pagpili ng pinakapresko at pinakabagong mga karne at isda. Hinahayaan niya akong pumili ng mga gulay, kaya't medyo matagal-tagal rin ako sa seksyong ito dahil nalilito ako sa napakaraming klase ng pechay (hindi po kasali si Pichay dito hehe), kangkong, at sili... Nakakaloka!
- Pag kasama ang kasintahan, hindi ako namomroblema sa seksyong ito. Hinahayaan ko si "labs" (ang baduy, para Pilipinong Pilipino, o diba?) na pumili ng magagandang klase ng gulay samantalang ako ay magpapakyut lamang at "magkukunwaring" (kahit hindi talaga haha!) nalilito ako sa mga berde at dilaw na masustansyang gulay na nakikita ko.
- Pag kasama ang mga kaibigan, ang seksyon na ito ay iniiwasan dahil nauubusan na kami ng oras pag kinailangan nang bumili galing sa seksyong ito.

2. Sa Presyo at Pagpili ng Bilihin:
- Pag kasama si daddy, napakalikot ng aking mga kamay (kuha lang nang kuha ng kung anu-ano) dahil si daddy naman ang magbabayad eh. HEHE. :)
- Pag kasama ang kasintahan o ang kaibigan, kailangan maging mas maselan ka sa presyo dahil masakit sa sariling bulsa ang iilang sentimo o piso na diperensya.

3. Sa Pagsasama
- Masayang kasama si daddy dahil maliban sa libre ito (at nabibili ko ang iba kong mga luho tulad ng mamahaling sabon, facial wash, at syampoo!), ito ang tanging oras namin para mag-bonding. Minsan ko lang makita ang "soft spot" ng aking tatay, at ang pamamalengke ay isa na sa mga ito.
- Napakabagal ng oras pag kasama mo ang mga kaibigan mo sa palengke. Kung sa wikang Ingles pa ito, "easy-easy at chill" lang parati. Dahil sa napakaraming chika at pahinto hinto sa seksyon ng mga sabon at panglinis ng katawan (hehe), mas kakailanganin mo ang mas mahabang oras para libutin ang buong supermarket.
- Pag kasama naman ang kasintahan, pakiramdam na pakiramdam ko ang aking mga pangarap. Dito ko nararamdaman ang aking kinabukasan-- ang posibilidad na gagawin ko ito ng mas madalas pag nanay na ako. Alam kong napaka keso-y (cheesy) nito, pero nakakakilig lang isiping tinutulungan niya ako sa pamamalengke at... nandyan lang siya sa katabi ko. :)

Hay nako, mga bagay na natutunan ko habang wala si nanay! Kahit papano, nag-enjoy rin naman ako. Masarap ang pakiramdam na kahit papano, ikaw ay "nagcocontribute" sa inyong tahanan. Sana mas matagal pa bago bumalik ang nanay ko. Nasisimulan ko nang magustuhan ang pamamalengke..... =)

Hanggang sa susunod na kabanata. =)